News »


Regional Food Supply Chain Consultation with NEDA

Published: February 10, 2023 05:00 PM



Nagtipon-tipon kaninang umaga (Pebrero 10) ang mga kinatawan ng Agriculture Office mula sa iba’t ibang bayan ng Nueva Ecija District 2, kasama si Asst. Secretary Greg Pineda ng National Economic and Development Authority (NEDA) para sa Regional Food Supply Chain Consultation.

Naganap ang nasabing konsultasyon sa Learning and Development Room ng San Jose City Hall kung saan pinag-usapan dito ang mga isyung kinakaharap ng mga magsasaka at kung paano ito masosolusyunan.

Idiniin ni Pineda ang kahalagahan ng pagkakalap ng tamang datos upang mas maging epektibo ang pagtulong ng gobyerno.

Dagdag pa nito, layunin nilang mapaganda ang relasyon ng nasyonal at lokal na pamahalaan sapagkat naniniwala itong mas alam ng lokal na pamahalaan ang mga kaganapan at mga problemang nakaaapekto sa mga magsasaka.

Dumalo sa nasabing programa ang mga kinatawan mula sa bayan ng Pantabangan, Talugtug, Rizal, Carranglan, at Science City of Muñoz; gayundin ang kinatawan ng Department of Trade and Industry (DTI) Provincial Office na si Marilou Santos, Provincial Agriculturist Bernardo Valdez, at Provincial Planning and Development Committee Officer Engr. Dennis Agtay.

Nakibahagi rin sa diskusyon si Mayor Kokoy Salvador, kung saan binanggit niya na isa sa problema ay ang matagal na pagproseso ng mga ayuda para sa magsasaka.

Bukod pa rito, tinalakay rin ang hirap ng mga magsasaka sa pagbebenta ng kanilang inani, komplikasyon sa pag-apply para sa mga subsidiya at iba pang tulong mula sa gobyerno, at kakulangan sa pondo na pang-agrikultura.

Maliban sa konsultasyon, nagkaroon din ng site visitation ang NEDA sa Philippine Carabao Center at Milka Krem sa Science City of Muñoz at Provincial Government of Nueva Ecija Rice Mill.