News »


Reproductive Health Program ng SJC, Kinilala

Published: October 03, 2017 04:30 PM



Iginawad ng Department of Health (DOH) sa San Jose City ang Purple Ribbon Award na tinanggap ni City Health Officer Dr. Marissa Bunao-Henke nitong Setyembre 27 sa Widus Hotel, Clark, Pampanga.

Ang parangal na ito ay pagkilala sa mga Lokal na Pamahalaan na nagsasagawa at nagsusulong ng mga programang may kaugnayan sa Family Planning at Reproductive Health.

Umangat ang lungsod base sa 2016 Report ng City Health Office (CHO) at Population Commission (PopCom).

Dito nakita ang best practices at accomplishments ng lungsod kabilang na ang regular na pagsasagawa ng Family Planning seminars, pre-marriage counselling, pamimigay ng contraceptives, at pagtuturo sa tamang paggamit nito na siyang nagbunsod sa pagkapanalo ng San Jose bilang 1st place.

Maging ang regular na pagsasanay ng mga health workers at pagpapatupad ng mga polisiya tungkol sa mga naturang programa ay nakatulong din upang makamit ang naturang pagkilala.
Naging katunggali ng lungsod ang lahat ng siyudad at munisipalidad sa buong Nueva Ecija.

Kaugnay nito, ayon kay Family Planning Coordinator Cristina Falloran, ang Lungsod ng San Jose ang magiging kinatawan ng Nueva Ecija sa Regional Level kung kaya’t hinihikayat ang pakikiisa at suporta ng bawat mamamayan sa mga aktibidad at programang pangkalusugan.