San Jose City LGU, humakot ng parangal mula sa POPCOM
Published: October 11, 2019 12:00 AM
Kinilala ang Lokal na Pamahalaan ng Lungsod San Jose sa iba’t ibang larangan sa 2019 Kaunlarang Pantao Award ng Commission on Population (POPCOM) Region III kahapon (Oktubre 10) sa The Orchid Gardens sa City of San Fernando, Pampanga.
Ang Kaunlarang Pantao Award ay naglalayong kilalanin sa publiko ang pambihira at makabuluhang pagganap at kontribusyon ng mga lokal na tanggapan ng populasyon (local population offices), at kilalanin din ang indibidwal na kahusayan, dedikasyon, at determinasyon ng local population officers at workers sa pagtupad sa mga layunin at adhikain ng Philippine Population Management Program sa kani-kanilang mga lugar.
Matapos sumailalim sa matinding pagsusuri ang mga lokal na pamahalaan, itinanghal na kampeon ang San Jose City LGU sa Search for Outstanding Local Population Structure - City Level in Region III.
Personal na tinanggap ni Mayor Kokoy Salvador ang naturang parangal, kasama si City Population Officer Nathaniel O Vergara, na pinarangalan din bilang Outstanding Local Population Officer - Champion.
Kinilala rin si Jovicita dela Rosa bilang Outstanding Local Population Worker - Champion, at Outstanding Local Population Volunteer - 1st Runner-up naman si Analyn Oca.
Dumalo rin sa programa si Konsehala Trixie Salvador na masugid na sumusuporta sa mga programa ng City Population Office.
Samantala, inihahanda na rin ng naturang opisina ang pagsali sa national level para sa Search for Best Local Population Structure at Best Local Population Officer.