News »


San Jose City Public Market, nanguna bilang Pinakamaringal na Pamilihang Bayan sa lalawigan

Published: October 24, 2023 11:01 AM



Isa na namang parangal ang nakamit ng Pamahalaang Lokal ng Lungsod San Jose matapos kilalanin ang Public Market bilang Pinakamaringal na Pamilihang Bayan sa lalawigan ng Nueva Ecija.

Nakuha ng lungsod ang unang puwesto sa ginanap na selebrasyon para sa Consumer Welfare Month nitong Oktubre 19 sa SM City Cabanatuan.

Iginawad ang nasabing parangal bilang pagkilala sa konsistent na pagpapatupad dito ng hangaring makapagbigay ng malinis at maayos na pamilihan para sa kapakanan ng mga mamimili.

Kabilang dito ang pagkakaroon ng timbangan ng bayan, price watch board, consumer welfare desk, pagtalima sa Fair-Trade Laws, at iba pa.

Tinanggap ni San Jose City Public Market Office (PMO) Head Danilo Ariem at iba pang kawani ng PMO ang parangal mula sa Department of Trade and Industry (DTI) - Provincial Office at Nueva Ecija Consumer Affairs Advocacy Association, Inc.

Iprenisinta naman ito kahapon (Oktubre 23) sa flag raising ceremony sa munisipyo kasama si Mayor Kokoy Salvador.