News »


San Josenians, kasama sa pagdiriwang ng Bonifacio Day

Published: December 01, 2017 04:31 PM



Kaisa ang Lokal na Pamahalaan ng Lungsod San Jose sa selebrasyon ng ika-154 na kaarawan ni Gat. Andres Bonifacio kahapon (Nobyembre 30).
Hindi natinag ang mga dumalo sa programa na idinaos sa City Social Circle at nanatili sa kabila ng pag-ambon.
Naging panauhing tagapagsalita sa nasabing okasyon si 2017 Little City Mayor Mark Bryan S. de Leon ng San Jose City National High School.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni de Leon ang kahalagahan ng pagkakaisa.
Aniya, sa bawat tagumpay ni Bonifacio ay may kasama siya, at hindi siya nag-iisa sa bawat laban na tinahak niya at mga hakbang na ginawa.
“Hindi natin kakayanin mag-isa. No man is an island. He [Bonifacio] will not be successful without his team. Together, everyone achieves more,” dagdag pa ng Little City Mayor na magsisimulang manungkulan sa Linggo ng Kabataan simula Lunes (Disyembre 4).
Hinimok pa ni de Leon ang bawat isa na hindi pa huli ang lahat para makagawa ng pagbabago para sa sarili at para sa bayan at hinikayat na tayo ay “magtulungan, huwag mag-iwanan.”
Samantala, nagpaabot naman ng kanyang mensahe si Vice Mayor Glenda Felimon-Macadangdang sa pamamagitan ng kanyang butihing ama at kasalukuyang City Councilor, Atty. Jose C. Felimon. “Ipinagdiriwang ang kaarawan ni Bonifacio upang sariwain na ang isang Filipino, maging sino man, kung may adhikaing makapaglingkod sa ating bayan, handa niyang itaya, isugal, ihandog ang kanyang buhay. Tularan natin ang halimbawang iniwanan ni Bonifacio bilang dakilang kababayan.”
Sa mensahe namang ipinaabot ni City Councilor Patrixie Salvador, hinikayat niyang ipagpatuloy ang pakikiisa sa pamahalaan at isabuhay ang pagiging isang tunay na Filipino sa isip, sa salita, at sa gawa.
Nagbigay din ng kanyang pagbati si City Councilor Victoria Adawag sa mga dumalo sa programa na kinabibilangan ng mga kawani ng pamahalaan, iba’t ibang samahan, ahensiya, NGOs, NGAs, at maging pribadong sektor.