News »


Seminar Tungkol sa Magna Carta for Women at VAWC para sa mga MIO

Published: March 11, 2021 12:00 AM



Nagsagawa ng seminar tungkol sa Magna Carta of Women (RA 9710) at Violence against Women and their Children (RA 9262) ang City Population Office para sa mga Migration Information Officers (MIO) bilang selebrasyon sa Buwan ng Kababaihan ngayong Marso na may temang: "Juana laban sa pandemya: Kaya!"

62 MIO mula sa lahat ng barangay sa lungsod ang nakilahok sa nasabing seminar kahapon (Marso 10).

Layunin nitong mabigyan ng sapat na kaalaman ang mga kababaihan tungkol sa kanilang mga karapatan at kaukulang proteksiyon na nakapaloob sa mga naturang batas.

Bukod dito, tinalakay rin nina City Population Officer Nathaniel Vergara at Population Program Officer IV Theresa Vizcarra ang mga naging kaso ng teenage pregnancies sa bawat barangay, at pinaalalahanan nila ang mga Barangay Population Officer na mas paigtingan ang pagmo-monitor sa ganitong mga kaso.

Dagdag pa rito, binigyan ng libreng face shield, face mask, family planning kits at iba pang munting regalo ang mga lumahok sa pagsasanay.

Dumalo at nagpahayag din ng kanilang suporta sa okasyon sina Vice Mayor Glenda Felimon Macadangdang, City Councilor Susan Corpuz at City Councilor Trixie Salvador.