News »


Social Pension ng Senior Citizens, ipinamahagi

Published: December 07, 2017 03:37 PM



Dumagsa sa munisipyo nitong Martes at Miyerkules (December 5-6) ang mga senior citizen mula sa 38 barangay sa lungsod upang tanggapin ang kanilang pensiyon mula sa gobyerno sa ilalim ng Social Pension Program for Indigent Senior Citizens ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Office.

Nakatanggap ng kabuuang isang libo at limang daang piso ang mga senior citizen bilang kanilang pension para sa last quarter ng taong ito, o katumbas ng limang daang piso kada buwan.

Paalala naman sa publiko, hindi lahat ng senior citizen ay awtomatikong makakukuha ng naturang pensiyon, dahil may mga nakatakdang criteria o batayan ang ipinatutupad sang-ayon sa Republic Act 9994 o ang Expanded Senior Citizens Act of 2010.

Ang mga indigent o mahihirap na senior citizen lamang na sakitin, may kapansanan o mahihina; walang regular o permanenteng pinagkakakitaan; walang natatanggap na tulong pinansiyal sa kapamilya o kamag-anak; at hindi tumatanggap ng iba pang pensiyon mula sa SSS, GSIS o iba pang institusyon ang maaaring mag-apply sa Social Pension Program for Indigent Senior Citizens ng DSWD.

Maaaring magsumite ng aplikasyon ang mga senior citizen o ang kanilang kinatawan sa Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA) o sa City Social Welfare and Development Office, at ipapadala naman ito sa DSWD Regional Office na susuri sa mga aplikasyon at mag-aapruba kung pasado sa itinakdang criteria ang aplikante.
(Gina Pobre & Pauleen Grace de Guzman)