News »


Solo Parents Week Celebration

Published: April 26, 2023 12:12 PM



Ipinagdiwang sa kauna-unahang pagkakataon ang Solo Parent’s Week kahapon (Abril 25) sa lungsod na may temang “RA 11861: Bagong batas na mas Pinagtitibay, Kaakibat ng Solo Parents sa Tagumpay”.

Nagtipon-tipon ang mga solo parent mula sa iba’t ibang barangay sa inorganisang programa ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) sa Pag-asa Sports Complex.

Nagpahayag ng kanyang pagbati sa mga dumalo rito si CSWD Officer Lourdes Medina, gayundin si Provincial Solo Parent Focal Person Melanie Calupe at video message naman mula kay National Council for Solo Parents Secretary General Redd de Guzman.

Naroon din sa programa sina Mayor Kokoy Salvador at Vice Mayor Ali Salvador, kasama ang ilang konsehal ng lungsod para magbigay suporta.

Ayon kay Vice Mayor Ali, hindi lingid sa lahat na isa rin siyang solo parent kaya’t alam niyang malaking sakripisyo at obligasyon ang kailangan upang maibigay ang mga pangangailangan ng mga anak.

Nanumpa rin sa nasabing programa ang mga naihalal na Federation Officers of Solo Parents mula iba’t ibang barangay, kung saan tumatayong pangulo ng buong samahan si Elenita Maron ng Bgy. Abar 1st.

Naghandog naman ng pampasiglang bilang ang CSWDO staff at ilang solo parents ng Brgy. Pinili, Tayabo, Abar 1st, at Canuto Ramos.

Binigyan din sila ng special treats na libreng gupit, masahe, manicure at pedicure mula sa City Tourism Office.

Batay sa Republic Act No. 11861 o ang Expanded Solo Parents Welfare Act, ang ikatlong linggo at ikatlong Sabado ng Abril ay idineklara bilang Solo Parents Week at National Solo Parents Day upang gunitain ang papel at kahalagahan ng bawat solo parent sa Pilipinas.