News »


Special children, nagpakitang gilas sa SPED Festival of Talents

Published: December 06, 2017 04:34 PM



Bumida ang mga special children sa katatapos na Division SPED Festival of Talents and Fun Day na isinagawa kahapon (December 5) sa San Jose West Central School.

Ipinamalas ng mga bata ang kanilang galing sa pagsayaw, pag-awit at pagluluto, habang ang ilan naman ay nag-ala superhero sa Cosplay competition.

Pinangunahan ng Division Office ng lungsod ang naturang programa na dinaluhan nina City Mayor Kokoy Salvador at City Councilor Victoria Adawag.

Binati ng Punong Lungsod ang bawat kalahok at sinabi niyang nagagalak siyang may mga ganitong programa ang Division Office para sa mga batang espesyal, dahil aniya, nailalabas nila rito ang kanilang talento at naipapakita sa publiko.

Ibinahagi rin niyang isang biyaya na dapat ipagmalaki ang pagkakaroon ng anak na special child dahil ang anak niya mismo ay kabilang sa nasabing sektor.

Kaugnay nito, nakisaya rin si Jollibee mascot sa mga bata at nagbigay ng mga pagkain sa mga ito.

Layunin ng programa na maimulat sa mga bata na hindi hadlang ang pagkakaroon ng espesyal na karamdaman upang maipakita ang kanilang talento.

Samantala, ang mga tatanghaling panalo sa Division SPED Festival of Talents ay
lalahok sa Regional Finals.
(Ella Aiza D. Reyes)