News »


St. John�s Academy at San Jose West Central , wagi sa Chorale!

Published: December 15, 2018 05:05 PM



Nasungkit ng St. John’s Academy ang kampeonato sa Liwanag ng Pasko sa San Jose – Chorale Competition (High School Division) mula sa Sto. Niño 3rd National High School nitong Biyernes, Disyembre 14, sa ginanap na Grand Finals sa San Jose City Social Circle.

Nanatili namang kampeon sa Elementary Division ang San Jose West Central School.

Kapwa nag-uwi ng sampung libong piso ang dalawang paaralan.

Pumangalawa naman ang San Jose City National High School at Encarnacion Subd. Elementary School sa kani-kanilang dibisyon, at umuwi silang bitbit ang premyong tig-pitong libong piso.

Samantala, ang mga finalists naman na Sto. Niño 3rd National High School, Kita Kita High School, ELIM School for Values and Excellence, at Mount Carmel Montessori Center ay nag-uwi rin ng consolation prize na tig-dalawang libong piso.

Personal na dinagdagan ng pa-premyo nina Mayor Kokoy Salvador, Vice Mayor Glenda Felimon Macadangdang, at Konsehal Atty. Ronald Lee Hortizuela ang mga gantimpala ng bawat paaralang pinalad na pumasok sa Grand Finals.

Sa High School Division, nagpagalingan sa pag-awit ng contest piece na “Gloria” ang mga kalahok, habang “Ang Dasal” (Tinagalog na bersyon ng The Prayer) naman ang piyesang pinaglabanan ng Elementary Division.

Nahirapan ang mga huradong sina Dra. Irene Bustos, Dra. Aida Serna at Mr. Jun Jove sa pagpili ng karapat-dapat na manalo at kinailangan pang umawit muli ang Top 3 (kabilang ang Sto. Niño 3rd National High School) sa High School Division dahil sa 3-way-tie na naganap.

Ang Chorale Competition ay isa sa mga programa ng Punong Lungsod Kokoy Salvador at City Tourism Office upang magkaroon ng partisipasyon ang mga estudyante sa pagdiriwang ng Kapaskuhan sa lungsod, at maging aktibo rin sila sa mga aktibidad para sa komunidad.