News »


Street Dancing Competition 2018

Published: May 02, 2018 04:42 PM



Agaw atensyon ang magarbo at makulay na street dancing competition ngayong taon na isa sa pinakaaabangang bahagi ng taunang pagdiriwang ng Pagibang Damara Festival.

Dinagsa ng mga manonood ang mga kalye at palengke nitong Sabado (April 28) para panoorin ang mga street dancer na sumayaw mula City Hall Compound papuntang Public Market, kung saan ipinamalas nila ang kanilang nakakaaliw na presentasyon.

Kaugnay nito, dinomina ng Caanawan High School ang 10 eskwelahan na lumahok sa street dancing competition at itinanghal silang kampeon ngayong taon.

Di rin nagpatinag ang Porais High School na pumangalawa sa kompetisyon at napili ring Best in Costume.

Nakuha naman ng San Jose City National High School ang ikatlong puwesto.

Buo naman ang pasasalamat ni Punong Lungsod Kokoy Salvador sa mga paaralang nakiisa at sumuporta sa programa.