News »


Talentadong San Josenios, Nagpasikat sa �Galing Mo, Show Mo�

Published: August 17, 2017 06:44 PM



Napa-rock ‘n roll noong gabi ng Agosto 10 ang mga nanood ng kauna-unahang “Galing Mo, Show Mo” sa lungsod nang masaksihan ang mga kakaibang talento ng mga San Josenians na kalahok sa nasabing patimpalak.

Sa 12 finalists, ang biriterang si Mary Jane Novelo ang nagpabilib sa mga hurado at siyang itinanghal na grand champion, samantalang si Jomari Mabutol naman na nagpakitang gilas sa beat boxing ang nakakuha ng pangalawang pwesto, habang si Richard de Fiesta naman na nagpakita ng galling hindi lamang sa ventriloquism kundi sa pagpapatawa rin ang pumangatlong pwesto.

Maliban sa mga talentong nabanggit, mayroon ding tumugtog ng saxophone at melody horn, nag-magic, nag-interpretative dance, at nag-acrobatics/ fire dance.

Ayon kay Punong Lungsod Kokoy Salvador, proud sya sa mga San Josenians sa kanilang ipinakitang mga talento na tunay na maipagmamalaki at nagbigay kasiyahan sa mga manonood. Aniya, patuloy na susuportahan ng Lokal na Pamahalaan ang mga ganitong programa upang malinang at sumikat ang talento ng ating mga kababayan.

Nakatanggap ng P15,000.00 ang grand champion, P10, 000.00 naman sa second placer, samantalang P5,000.00 sa 3rd placer at may consolation prize din na natanggap ang mga hindi pinalad na manalo.

Ipinamalas naman ng CORE Gateway College, Inc. sa naturang programa ang kanilang dance na nagwagi sa Inter-Collegiate Interpretative Dance Competition noong umaga ng araw ding iyon.

(Jennylyn N. Cornel)