News »


The Challenge Initiative (TCI) Global and Philippines

Published: November 08, 2023 05:32 PM



Bumisita sa Lungsod San Jose ang mga delegado ng The Challenge Initiative (TCI) Global and Philippines nitong Martes (Nobyembre 7) para makita nang aktuwal ang pagpapatupad ng nasabing plataporma na naglalayong paigtingin ang Family Planning (FP) at Adolescent and Youth Sexual and Reproductive Health (AYSRH) interventions.

Kabilang sa mga dumalaw sa lungsod si TCI Executive Director Dr. Kojo Lokko mula sa John Hopkins University at William H. Gates Sr. Institute; Glenn Bede A. Benablo, Chief of Party - TCI Philippines; Dr. Helen D. Tobias, Deputy Chief of Party - TCI Philippines; Pamela Bianca L. Mangilin, Monitoring and Evaluation Manager; gayundin si Commission on Population and Development (PopCom) Region III Director Lourdes O. Nacionales.

Pinuntahan ng mga bisita ang iba't ibang health facilities dito gaya ng Rural Health Units (RHU), ospital, panganakan, at Teen Information Center.

Iprenisinta rin sa kanila ng City Leadership Team (CLT) ang kasalukuyang estado ng TCI sa lungsod sa ginanap na programa sa Learning and Development Room sa City Hall.

Kaugnay nito, pinasalamatan ni Dr. Lokko sina Mayor Kokoy Salvador at Vice Mayor Ali Salvador, at ang buong Sangguniang Panlungsod sa kanilang pagsuporta sa nasabing plataporma upang mas mapaigting ang sistema ng FP at AYSRH sa San Jose City.

Pinuri din ni Dr. Lokko ang mga polisiya na ipinatutupad dito, kabilang ang high-impact interventions na karaniwang ginagamit sa family planning and development sa iba't ibang bahagi ng bansa.

Naniniwala si Dr. Lokko na hindi imposibleng magtagumpay ang San Jose City na kauna-unahan sa buong Region III na naglunsad ng TCI, lalo't sa sandaling panahon ay nagpamalas ito ng husay sa pagpapababa ng mataas na bilang ng mga nagbubuntis na kabataan.

Dagdag pa rito, ipinahayag ni Benablo ang kanyang pag-asa na matuldukan ng buong San Jose ang maagang pagbubuntis ng mga kabataan sa loob ng dalawang taon.

Samantala, nagpasalamat naman si City Population Officer Nathaniel Vergara sa mga miyembro ng CLT na naging masigasig sa pagsasagawa ng TCI platform sa buong lungsod at kay City Technical Lead Troy Vincent Bautista sa maagap nitong paggabay sa buong delegado.