News »


TTMF Inauguration

Published: December 07, 2020 12:00 AM



Pinasinayaan kaninang umaga (December 7, 2020) ang bagong COVID-19 Temporary Treatment and Monitoring Facility (TTMF) sa lungsod na matatagpuan sa San Jose City National High School (SJCNHS) – Senior High.

Nanguna sa ribbon-cutting ceremony si Mayor Kokoy Salvador, kasama sina City Health Officer Dr. Marissa Bunao-Henke, City Health Office (CHO) Staff at Facility Manager Christian Pobre, at Rev. Fr. Getty Ferrer na siya namang nag-alay ng panalangin para sa inagurasyon ng naturang pasilidad.

Sa mensahe ng Punong Lungsod, sinabi niyang mas maganda kung hindi na magagamit ang pasilidad na iyon. 

Aniya, “Gaya ng panalangin ni Father Getty, patuloy nating ipagdasal na huwag sanang magamit ang pasilidad na ito. Ibig sabihin ay sana hindi na magkaroon ng bagong kaso ng COVID-19 sa lungsod. At kung sakali mang magamit ay gumaling agad ang mga mako-confine dito.” 

Paalala naman ni Dr. Bunao-Henke, laging iingatan ang pasilidad at ang mga magiging pasyente kung sakali.

Ang bagong TTMF ay may 54 cubicles at may maximum 72-bed capacity sa apat na palapag na gusali ng SJCNHS. 

Unang nagsilbing quarantine facility ang ilang silid-aralan sa City High na ngayon ay muling gagamitin para sa pangangailangan ng mga guro na nagtuturo sa pamamagitan ng distance learning. Sinugurado naman ng City Health Office ang pagiging ligtas ng mga silid-aralang ito matapos sumailalim sa disinfection. 

Lahat ng pasyenteng nag-positibo sa COVID-19 at na-admit sa TTMF ay naka-rekober na sa sakit. Huling nakapagtala ng bagong kaso sa lungsod noon pang Nov 22.