News »


Tulong pangkabuhayan para sa Nagkakaisang Mangangalakal ng San Jose

Published: August 23, 2022 02:00 PM



Pinagkalooban ng motorized kolong-kolong at Php160,000.00 ang samahang Nagkakaisang Mangangalakal ng San Jose (NMSJ) bilang dagdag tulong pangkabuhayan mula sa proyektong “Bayang Walang Basura” ng Coca-Cola Foundation Philippines katuwang ang Philippine Rural Reconstruction Movement (PRRM) at City Environment and Natural Resources Office (CENRO) ng Lokal na Pamahalaan.

Iginawad ang naturang ayuda nitong umaga, Agosto 23 sa Learning and Development Room sa City Hall.

Layunin ng naturang programa na matulungan ang mga kabilang sa impormal na sektor gaya ng mga mangangalakal ng basura upang mapaunlad at mapataas ang antas ng kanilang pamumuhay sa pamamagitan ng pamamahala ng mga basurang may potensiyal at mapakikinabangan pa.

Katuwang din ng Coca Cola, PRRM, at Lokal na Pamahalaan ang Plastic Bank na siyang pangunahing mamimili ng ilang basurang nakokolekta ng NMSJ.

Samantala, nagpahayag ng kanyang pambungad na pananalita sa programa si Marites Pangilinan, CENRO-OIC at nagbigay naman ng mensahe ang mga kinatawan ng iba pang ahensiya kabilang sina Marlon Palomo, PRRM Executive Director; Mary Grace Vargas, Presidente ng NMSJ; at Josh Paragas ng Plastic Bank.

Nakiisa rin sa programa si Punong Lungsod Kokoy Salvador. Aniya, “Pagtuunan ninyo ng pansin ang pamamahala ng basura sa ating mga barangay upang mapaunlad pa natin lalo ang ating lungsod sa usaping ito.”