News »


TUPAD Payout

Published: June 09, 2023 11:37 AM



Bumisita sa Lungsod San Jose kahapon, Hunyo 8 si Sen. JV Ejercito para sa pamamahagi ng sahod ng mga benepisyaryo ng programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD).

Naganap ang nasabing pay-out sa Pag-asa Sports Complex sa pangunguna ng Public Employment Service Office (PESO), kasama sina Mayor Kokoy Salvador, Vice Mayor Ali Salvador, Bokal Dindo Dysico,

DOLE Supervising LEO Arnello G. Ocampo, at ilang City Councilors.

Kaugnay nito, 314 na San Josenio ang nakatanggap ng kanilang suweldo mula sa TUPAD matapos ang 10 araw na pagtatrabaho.

Pinasalamatan nina Mayor Kokoy at Vice Mayor Ali ang senador dahil sa kanyang pagtulong upang maisakatuparan ang nasabing programa.

Nagpasalamat din si PESO Manager Lilybeth Tagle sapagkat ayon sa kanya, si Sen. Ejercito ang kauna-unahang tumugon sa isinumite nilang liham kahilingan para sa naturang programa.

Samantala, tiniyak naman ng senador na hindi siya titigil sa pagtulong at pagsulong ng mga programang makatutulong para sa nakararami.

Ibinahagi rin niya ang isinusulong na Universal Healthcare Bill na aniya’y nakapagbibigay ginhawa para sa mga may pangangailangan ng serbisyong pangkalusugan, lalo na para sa mga tagaprobinsiya.