COVID-19 Bulletin »


Unang Batch ng Bakuna Kontra COVID-19, Dumating na

Published: March 18, 2021 09:00 AM   |   Updated: June 08, 2021 03:02 PM



Dumating na kahapon (Marso 17) sa lungsod ang unang batch ng bakuna kontra COVID-19 para sa mga frontline health worker dito.

Ininspeksiyon naman nitong umaga (Marso 18) sa City Health Office (CHO) ni Mayor Kokoy Salvador, kasama si City Health Officer Dr. Marissa Bunao ang 33 vials ng AstraZeneca vaccine na may katumbas na 330 dose (10 dose per vial) mula sa Department of Health.

Nagsagawa rin ng simulation o dry run ng gagawing pagbabakuna na nakatakdang simulan sa darating na Lunes, Marso 22.

Ayon kay National Immunization Program Coordinator Nurse Marilyn Ong ng CHO, 160 dose ng bakuna ang inilaan para sa mga health worker ng Ospital ng Lungsod ng San Jose (OLSJ), habang 170 naman para sa Heart of Jesus Hospital (HJH).

Dagdag pa ni Ong, target nilang mabakunahan ang 100 katao kada araw kaya’t inaasahang magtatagal lamang ng dalawa hanggang tatlong araw ang pagbabakuna.

Samantala, ilalaan naman para sa health workers ng CHO at Temporary Treatment Monitoring Facility (TTMF) ang susunod na batch ng COVID-19 vaccine na ibibigay rito.