Unang K Outreach Program ngayong 2020, isinagawa sa Sto. Niño 3rd
Published: January 10, 2020 12:00 AM
Buena mano sa taong ito ang Sto. Niño 3rd na nahatiran ng mga libreng serbisyo ng K Outreach Program ngayong araw, Enero 10.
Kasama ang mga opisyal ng lungsod sa pangunguna ni Mayor Kokoy Salvador, dumayo roon ang iba’t ibang tanggapan ng lokal na pamahalaan para magbigay ng iba’t ibang serbisyo gaya ng medical at dental check-up, libreng gamot, groceries, bigas, seedlings, storytelling at coloring books sa mga chikiting, mga serbisyong pang-nutrisyon, serbisyo para sa mga alagang hayop, at marami pang iba.
Malugod namang binati ni Mayor Kokoy ang mga residente roon na nagdiriwang din ng kanilang Barangay Fiesta sa linggong ito.
Nagpaalala ang Punong Lungsod hinggil sa isyu ng African Swine Fever (ASF) na agad i-report sa City Veterinary Office kung nakitaan nila ng pananamlay o sakit ang kanilang alagang baboy.
Hinimok din niya ang mga mamamayan na huwag matakot kumain ng baboy.
Sa katunayan, masayang pinagsaluhan doon ang inihandang litsong baboy sa boodle fight at tiniyak niyang ligtas itong kainin.
Samantala, naroon din ang Philippine Army at San Jose City LGBT Association para magbigay ng libreng gupit, pati na ang samahan ng H2P3 para magbigay naman ng libreng masahe.
Nakibahagi rin sa programa ang PNP San Jose para ipalaganap ang kampanya ng pamahalaan kontra droga at terorismo. Nagpaalala rin ang kapulisan tungkol sa illegal gambling o pagsusugal, na mahigpit na ipinagbabawal at pag-aresto ang mga lumalabag nito.
Dagdag pa rito, ipinakilala sa programa ang bagong City Councilor Frederick Jose S. Dysico bilang kahalili ni City Councilor Ferdinand ‘Dindo’ Dysico.