News »


VP Leni Robredo, bumisita sa San Jose

Published: November 29, 2017 03:43 PM



Mainit na sinalubong ng San Josenians si Vice President Leni Robredo na dumalaw kahapon sa lungsod para sa iba’t ibang aktibidad.
Unang nagtungo ang Pangalawang Pangulo ng Pilipinas sa opisina ng Kaliwanagan San Agustin (KALASAG) Farmers Producers Cooperative at nakadaupang palad ang mga magsasaka, opisyal, at miyembro ng naturang kooperatiba.
Kasama ni VP Leni sina Department of Agriculture Region V Executive Director Elena delos Santos at kinatawan ng Bigg’s, isang sikat na food chain sa Bicol upang makita ang operasyon ng KALASAG at makakuha sila ng bagong kaalaman na maibabahagi nila sa kanilang mga kababayan.
Tiningnan din ni VP Leni ang taniman ng sibuyas at storage facility ng KALASAG kasama si Mayor Kokoy Salvador.
Sa kanyang pagpapakilala sa Pangalawang Pangulo bago ito magbigay ng mensahe sa mga miyembro ng kooperatiba, sinabi ng Punong Lungsod na isang inspirasyon si VP Leni sa community building.
Pinuri naman ni Robredo ang tagumpay na nakamit ng KALASAG at nais niyang magsilbi silang inspirasyon at halimbawa para sa mga kababayan niyang magsasaka.
Sa kanyang mensahe, sinabi ng Bise-Presidente na batid niya ang mga pangangailangan ng magsasaka at inihayag niya ang kanyang suporta upang matugunan ito ng pamahalaan at para mapabuti ang kabuhayan at kalagayan ng mga magsasaka.
Lubos naman ang pasasalamat ng Punong Lungsod sa pagdalaw ni Robredo sa San Jose.
Matapos ang kanyang pagbisita sa KALASAG, naging panauhing pandangal naman si Robredo sa 2017 National Reading Month Culminating Activity ng DepEd Division of San Jose City na ginanap sa San Jose West Central School.
Nagsilbing celebrity reader para sa mga batang mag-aaral si Robredo at binasa ang kuwentong “Si Langgam at Si Tipaklong”.
Ipinaalala dito ng Bise-Presidente sa mga bata na “Reading should not be just a hobby but a habit”.
Pinamagatang “A Celebration of Arts and Culture through Reading” ang nasabing programa na kasamang inorganisa ng Acts of Hope for the Nation (AHON) Foundation.
Nag-donate din ang naturang foundation ng mga bagong libro at ilang reference materials sa Library Hub ng DepEd.
(Gina Pobre & Pauleen Grace de Guzman)